MakiUSOK: Maligayang Pagdating!

Ang polusyon sa Pilipinas ay isang malaking problema ngunit hindi ito gaanong binibigyan ng pansin hangga’t umabot na sa puntong unti-unti nang sinisingil ng kalikasan ang mga mamamayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng tuluyang pag-init ng daigdig na sanhi ng penomenang tinatawag na global warming. Ang Pilipinas ay kasalukuyang nakakaranas ng iba’t-ibang uri ng polusyon at ang isang uri na ng polusyong ito ay ang polusyon sa hangin.

Ang polusyon sa hangin ay ang kontaminasyon ng nakasasamang kemikal na gas at solid sa hangin sa labas (ambient air) at hangin sa loob (indoor air) na nagdudulot ng pagkabago ng natural na katangian ng hangin (SEARO, 2018). Ang polusyon sa hangin ay isang problemang kailangang pagtuunan ng pansin agad-agad dahil hindi lang ito nakasasama sa kalusugan ng tao kundi nagdudulot rin ito ng masamang epekto sa ekosistema at sa kalikasan na maaring hindi na maibalik kung hahayaan lamang (IPCC, 2014). Ang mga nasabing kemikal na pollutant ay maaring manggaling sa industriyal at agrikultural na kemikal. Ito rin ay maaring manggaling sa anthropogenic o gawa ng tao na pinagmumulan at natural na pinagmumulan (Aro, 2018).

Ang polusyon sa hangin ay tinuturing na panganib sa kalusugan ng kapaligiran dahil 92% ng populasyon sa buong mundo ay nakalalanghap ng hangin na may kaledad na hindi umaayon sa tinakda ng World Health Organization sa kanilang WHO ambient air quality guidelines. Sa karagdagan, ang mga tao sa urbanisadong mga lugar ay mas naapektuhan ng maruming hangin kaysa sa mga nakatira sa rural na lugar dahil mas mataas ang lebel ng mga pollutants sa hangin sa urbanisadong lugar. Ilan lamang sa mga pollutants na ito ay ang sulfates, nitrates, at black carbon (DENR,2017). Ayon din sa WHO, tinatayang 7 milyong tao ang namamatay kada taon dahil sa paglanghap ng mga fine particles na matatagpuan sa maruming hangin na pumapasok sa baga at sa sistemang sirkulatoryo na nagdudulot ng mga sakit katulad na lamang ng atakeng serebral (stroke), sakit sa puso, kanser sa baga, chronic obstructive pulmonary diseases at impeksyon sa sistemang respiratoryo gayang pulmonya. Tinataya rin na mga 90% ng mga tao sa buong mundo ang nakakalanghap ng maruming hangin at sa loob ng 6 na taon, ang polusyon sa ambient na hangin ay nananatiling mataas maliban na lamang sa ibang parte ng Europa at Amerika (WHO, 2018).

Ayon sa ulat ng WHO, ang Pilipinas ang pangatlo sa may pinakamaraming pagkamatay sanhi ng polusyon sa hangin para sa taong 2018. Tinatayang mayroong 45.3 na pagkamatay sa loob ng 100,0000 na indibidwal sanhing polusyon sa hangin sa labas (WHO, 2018). Dito sa Pilipinas, 1 sa 4 napagkamatay ay dahil sa polusyon sa hangin.

Ang pag-aaral na ito ay nagnanais na una: alamin ang mga kemikal na pollutants na mayroon sa hangin ng urbanisadong lugar sa Pilipinas. Pangalawa, malaman ang kasalukuyang estado ng hangin sa mga urbanisadong lugar sa Pilipinas. Pangatlo, malaman ang epekto ng polusyon sa hangin. Pang-apat, malaman ang mga suliraning kinahaharap ng mga urbanisadong lugar sa polusyon sa hangin at panghuli, matuklasan kung paano matutugunan ang mga suliranin ng mga urbanisadong lugar na may problema sa polusyon sa hangin. 

Ang pag-aaral na ito ay nagnanais na magbigay ng kamalayan sa mga ordinaryong mamamayan na Pilipino tungkol sa estado ng hangin sa Pilipinas at kung ano ang mga maaring maging epekto nito sa atin. Sa karagdagan, nagnanais rin ito na hindi lang magbigay ng kamalayan sa mga ordinaryong tao kung hind imaging sa mga opisyal rin na gumagawa ng mga batas. Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito ay maari silang mabigyan ng ideya kung gaano na nga kalubha ang problema at kung ano ba ang mga kailangang ipatupad saPilipinas upang mabawasan ang problema sa polusyon sa hangin. Panghuli, nagnanais ang pag-aaral na ito na magbigay ng ideya sa iba pang mga mananaliksik tungkol sa mga maari pang gawin pag-aaral na makakatulong sa paglutas ng problema sa polusyon ng hangin.

Ang pag-aaral na ito ay nakatuon lamang sa polusyon sahangin sa Metro Manila, partikular sa mga urbanisadong lugar nito katulad ng mga lungsod at mga daanan. Hindi kasama sa pag-aaral ang mga siyudad sa Pilipinas. Gayundin, ang pag-aaral na ito ay nakatuon lamang sa pag-aaral sa hangin sa labas o ambient air at hindi nito pag-aaralan ang mga hangin sa loob at paligid ng mga bahay at gusali.


Mag-iwan ng puna